Handa na ang Commission on Elections o COMELEC Cauayan City sa nakatakdang filing ng Certificate of Candidacy o COC para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSK 2026.
Ito ang sinabi ni Let Badua, Election Assistant ng COMELEC Cauayan, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kung saan nilinaw nito na wala pa silang natatanggap na direktiba hinggil sa posibilidad ng postponement ng BSK 2026.
Ayon kayElectioon Assistant Badua, hinihintay pa nila ang pinal na anunsyo mula sa Malacañang at habang wala pang bagong direktiba, patuloy ang kanilang paghahanda at susundin ang umiiral na batas, kabilang ang nakatakdang filing ng COC.
Kung sakaling magkaroon ng bagong batas na magpapaliban sa halalan matapos ang filing ng COC, susundin ng COMELEC Cauayan ang magiging direktiba ng kanilang main office at ang mga probisyon ng bagong batas.
Samantala, pinaalalahanan ng COMELEC ang mga nais tumakbo na gamitin ang mga pinakabagong form para sa filing ng COC na maaaring i-download sa kanilang website at social media pages.
Dapat umanong fully accomplished na ang mga form bago pumunta sa tanggapan upang hindi maantala ang proseso.Kabilang sa mga kailangang ihanda ang mga kinakailangang dokumento, 2×2 picture, birth certificate at documentary stamp.
Tatlong kopya ang kailangang isumite sa COMELEC, at kailangang may documentary stamp ang original copy. Ayon kay Badua, isang documentary stamp lamang na nagkakahalaga ng 30 pesos ang kailangan, habang maaaring kopyahin ang serial number nito para sa iba pang kopya.
Maaari rin umanong mag-file sa pamamagitan ng authorized representative ang kandidatong hindi personal na makakapunta, basta’t may authority to file.
Nilinaw din ni Badua na maaari pa ring maghain ng COC ang isang kandidatong mayroong ongoing case, hangga’t wala pang pinal na conviction.
Samantala, inaasahan ng COMELEC Cauayan na maaaring lumampas sa 2,000 kandidato ang maghahain ng COC, batay sa bilang ng mga naghain noong 2023.
Tiniyak naman niya na nakahanda ang kanilang tanggapan, kabilang ang manpower at mga kagamitan, para sa inaasahang dami ng mga magpa-file.
Nakatakda ang filing ng COC mula September 28 hanggang October 5, 2026, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Bukas din ang COMELEC Cauayan sa Sabado at Linggo sa buong panahon ng filing.
Pinaalalahanan naman ang mga kandidato na sila lamang ang papapasukin sa loob ng tanggapan habang isinasagawa ang filing dahil limitado ang espasyo ng opisina.










