Nagbigay ng paglilinaw ang may-ari ng isang skincare clinic na na-raid kamakailan sa lungsod ng Cauayan kaugnay ng pagkakaaresto sa kanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang May Yacat, isang aesthetician sa lungsod, hindi niya kailanman inangkin na siya ay isang doktor gaya ng mga paratang at batikos na ibinabato sa kanya sa social media.
Giit niya, wala rin umano siyang kaalam-alam na ipinagbabawal ang ilang injection procedures tulad ng gluta at buttocks enhancement kung walang kasamang resident doctor.
Ayon pa sa kanya, bigla na lamang isinagawa ang operasyon ng mga awtoridad at wala umanong naunang abiso o warning upang maayos niya ang operasyon ng kanyang clinic.
Paliwanag pa ng aesthetician, buong akala niya ay pinapayagan ang ganitong serbisyo dahil sa ibang bansa ay ginagawa rin ito ng mga aesthetician, kaya inakala niyang maaari rin ito sa Pilipinas.
Bagama’t masakit para sa kanya ang nangyari, sinabi niyang malinis ang kanyang konsensya at sinunod lamang niya ang kanyang kaalaman at naging payo sa kanya ng mga awtoridad.
Sa ngayon, tiniyak niya na hindi na siya mag-aalok ng anumang serbisyo na may kinalaman sa injection procedures, at kung sakaling ipagpapatuloy ang operasyon, maghahanap na siya ng resident doctor.
Nilinaw din niya na ang muling pagbubukas ng kanyang clinic ay may kaalaman ng CIDG at FDA, at siniguro niyang sumusunod na ito sa mga umiiral na regulasyon.
Nagpasalamat din si Yacat sa kanyang mga kliyente na patuloy na naniniwala at sumusuporta sa kanya sa kabila ng kontrobersiya.











