--Ads--

Kinukuwestiyon ngayon ng National Bureau of Investigation o NBI ang umano’y reimbursement na natanggap ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o PHISGOC mula sa Philippine Olympic Committee o POC kaugnay ng kontrobersyal na 2019 Southeast Asian Games cauldron.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumabas sa kanilang imbestigasyon na bukod sa umano’y double payment, nakatanggap din ng reimbursement ang PHISGOC mula sa POC gamit ang pondong nagmula sa gobyerno, kahit isa itong non-government organization o NGO.

Sinabi rin ni Matibag na tila naantala ang pagbabayad para sa cauldron dahil ilang taon matapos ang 2019 SEA Games pa umano ito naisakatuparan.

Nadiskubre rin ng NBI na ang bahaging lumilikha ng apoy sa cauldron ay inupahan lamang at hindi binili.

--Ads--

Bagama’t matagal nang iniuulat na umabot sa ₱55 milyon ang halaga ng cauldron, sinabi ni Matibag na batay sa mga dokumentong nakuha ng NBI, mas mababa sa ₱50 milyon ang aktuwal na ibinayad para rito.

Kasunod ng testimonya ng isang testigo, maglalabas pa ng subpoena ang NBI sa iba pang personalidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa procurement at pagbabayad para sa proyekto ng 2019 SEA Games.