--Ads--

Inaresto ng mga pulis ang isang lalaki matapos umanong magbanta sa dalawang babae habang armado ng baril sa Marabulig 1, Cauayan City, Isabela, pasado alas-12 ng madaling araw ngayong Martes.

Sa imbestigasyon ng Cauayan Component City Police Station, nag-iinuman umano ang ama ng mga biktima, ang suspek at kanilang mga kasama sa naturang lugar nang bigla umanong magbanta ang suspek na magpaputok ng baril.

Nang kumpirmahin ng isa sa mga biktima ang sinabi ng suspek, nakita umano nito na naglalagay ito ng bala sa magazine ng isang baril at may stainless-type pistol sa loob ng nakabukas nitong itim na sling bag.

Sinubukan umano siyang pakalmahin ng mga naroon upang maiwasan ang anumang insidente, ngunit sa halip ay nagbitaw umano ang suspek ng pananakot.

--Ads--

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa kanilang nakatatandang kapatid na tumawag naman sa pulis.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at naabutan ang suspek na sakay ng kaniyang motorsiklo at papaalis na sana sa lugar.

Narekober sa kaniyang direktang pag-iingat ang isang kalibre .45 na pistol na may laman na bala sa chamber at magazine na may limang bala.

Nakuha rin mula sa kaniyang sling bag ang isa pang magazine na may apat na bala, isang holster at isang identification card.

Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa legal na pagmamay-ari o pagdadala ng baril, wala umano itong naipakita.

Dahil dito, inaresto ang suspek at dinala sa Cauayan City District Hospital para sa medical examination bago inihatid sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong grave threat at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.