Arestado ang isang 59-anyos na retiradong seaman matapos maipatupad ang search warrant sa kanyang bahay sa Almasiga Street, Purok 4, Barangay Bliss Village, Ilagan City, Isabela nitong Oktubre 4.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Olan,” residente ng nasabing lugar, na sinasabing lumabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng CIDG Isabela Provincial Field Unit, Police Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 2 at Ilagan Component City Police Station.
Nasamsam sa operasyon ang isang M16 rifle, isang magazine at tatlong bala para rito, gayundin ang isang caliber .45 pistol, dalawang magazine at 16 na bala.
Nakuha rin mula sa suspek ang isang itim na sling bag.Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa CIDG Isabela PFU Office para sa dokumentasyon at paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.











