Arestado ang isang PNP watch-listed High Value Individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit 2 sa Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela kahapon, Agosto 7, 2026.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Jo,” 26-anyos, binata, mekaniko at residente ng Barangay 4, San Mateo, Isabela. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pinagsamang operasyon ng PNP DEG-SOU2, PDEA Isabela Provincial Office, Regional Intelligence Unit, Provincial Intelligence Team Isabela West at Cauayan Component City Police Station, nakumpiska ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Ayon sa mga awtoridad, tinatayang nasa 15 gramo ang kabuuang timbang ng nakuhang ilegal na droga na may Standard Drug Price (SDP) na umaabot sa ₱102,000.
Narekober din sa pag-iingat ng suspek ang marked money na binubuo ng isang tunay na ₱1,000 bill na nakapatong sa 53 pirasong pekeng ₱1,000 bills, isang itim na Realme cellphone, isang itim na Rusi motorcycle na may susi at improvised plate number, at isang bakanteng kaha ng sigarilyong Marvel na ginamit umanong taguan ng droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.











