--Ads--

CAUAYAN CITY- Wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang lalaki habang nagpapalutang-lutang sa ilog Cagayan na nasasakupan ng Purok 2, Barangay Baculod, City of Ilagan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal ang tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag kaugnay sa natagpuang katawan ng isang lalaki sa Barangay Baculod partikular sa purok 2 malapit sa Baculod overflow bridge.

Agad aniya na nagtungo ang kanilang investigators sa lugar at doon nakita ang bangkay ng isang lalaki na nakasuot ng blue t-shirt at gray na jogging pants.

Sa impormasyong nakuha ng PNP ang katawan ay narekober ng isang mangingisda na kalaunan ay kinilala ng kaniyang pamangkin na si Elmer Gelacio ng Barangay Bitabian, San Mariano, Isabela.

--Ads--

Una nang napaulat na nawawala ang biktima matapos itong tumawid ng ilog.

Batay sa pamangkin ng biktima pauwi na ang kaniyang tiyuhin galing sa isang burol, nagpasya umano ito na tumawid sa ilog.

Dahil sa may pag-ulan ay malakas ang agos ng tubig at habang tumatawid umano ang biktima ay bigla itong nalunod.

Sinikap ng kaniyang mga kaanak na hanapin ang biktima sa ilog na nasasakupan ng Bitabian San Mariano, Isabela subalit nabigo sila hanggang sa tinangay na ng agos ng tubig ang katawan nito sa Lunsod ng Ilagan.

Ang bangkay ay nasa isang punerarya sa Lunsod ng Ilagan at sa kasalukuyan ay nakipag-ugnayan narin sila sa Pamilya para kunin ang labi nito.

Palala ang PNP sa publiko ngayong nararanasan ang mga pag-ulan iwasan ang pagpunta sa mga ilog para makaiwas sa pagkalunod.