--Ads--

Isang pambihirang ngiti ang ipinamalas ng 33-anyos na engineer si Prathab Muniandy matapos niyang makamit ang Guinness World Record para sa titulong ‘most teeth in a person’s mouth (male)’. Nagtataglay si Prathab ng kabuuang 42 na mga ngipin, mas marami ng 10 kumpara sa karaniwang adult na mayroon lamang 32.

Unang napansin ni Prathab ang kanyang mga sobrang mga ngipin noong 2021 sa isang family gathering. Nang magpakuha siya ng dental X-ray, nakita na mayroon pa palang apat na ngipin na hindi pa lumalabas noon sa kanyang gilagid.

Noong unang bahagi ng 2023, opisyal nang tumubo ang lahat ng ito kaya umabot sa 42 ang kanyang mga ngipin, at may karagdagan pa siyang dalawa sa loob na hindi pa sumisibol. Mapalad naman si Prathab dahil tuwid ang paglaki ng mga ito at hindi nagdulot ng anumang defect o komplikasyon.

Ayon kay Prathab, hindi agad napapansin ng mga tao ang kanyang kondisyon dahil normal naman tingnan ang kanyang ngiti maliban na lamang kung bibilangin ito nang kusa. Bagama’t nagpapasalamat siya sa kanyang pambihirang record, sinisiguro pa rin niya ang tamang pag-aalaga sa kanyang kalusugan sa pamamagitan ng regular na pagsisipilyo at pagbisita nang regular sa kanyang mga dentista.

--Ads--