--Ads--

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ang isang lalaki na umano’y nagpanggap na may hawak na impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Nahuli ang suspek sa kanyang condominium unit sa Novaliches, Quezon City sa isinagawang operasyon ng NBI.

Ayon sa imbestigasyon, ginagamit umano ng lalaki ang pangalan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan upang makapanloko at makahingi ng pera sa kanyang mga target.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nagsagawa sila ng koordinasyon kasama ang Presidential Security Command at iba pang yunit ng ahensya upang maaresto ang suspek na nagpapakilalang opisyal ng gobyerno.

--Ads--

Sa hiwalay na ulat, lumabas na nakipag-ugnayan umano ang suspek kay Executive Secretary Ralph Recto at sinabing mayroon siyang impormasyon na maaaring makatulong sa pagtunton kay Dela Rosa.

Gayunman, natuklasan ng NBI na walang sapat na batayan ang mga sinasabi ng suspek at karamihan sa kanyang impormasyon ay mula lamang sa mga post at ulat sa social media.

Ikinuwento ni Matibag na nagpadala sila ng maliit na halaga sa suspek bilang bahagi ng kanilang beripikasyon. Matapos makatanggap ng pera, muli umano itong humingi ng karagdagang halaga, dahilan upang lalo nilang mapaghinalaang panloloko lamang ang kanyang mga pahayag.

Nang hingan ng komento, sinabi ng suspek na magsusumite siya ng affidavit at iginiit na may isang pulis na nag-utos sa kanya na gawin ang naturang hakbang. Gayunman, nilinaw niyang hindi mataas ang ranggo ng naturang pulis.

Nahaharap ngayon ang suspek sa reklamong estafa kaugnay ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Samantala, nagbabala ang NBI sa publiko laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon o panlilinlang kaugnay ng kinaroroonan ni Dela Rosa dahil maaari itong magresulta sa pag-aresto at pagkakakulong.