CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang lalaki matapos itong pagtatagain ng kanyang nakaalitang kainuman sa Purok Cabatuan, Brgy. Mabasa, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang biktima na si Domingo Agajona Reyes, animnaput tatlong taong gulang, single at residente ng Purok Cabatuan, Brgy. Mabasa, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Habang ang suspek ay si Apollo Linde Corpuz, limamput limang taong gulang, magsasaka at residente rin ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, sinabi niya na kagabi ay nakatanggap ng tawag ang Dupax del Norte Police Station mula sa isang concerned citizen patungkol sa hacking incident sa nasabing barangay na agad namang tinungo ng mga kasapi ng pulisya.
Nadatnan na ng responding team ang biktima na nagtamo ng mga taga sa katawan.
Ayon sa biktima siya ay tinaga ng kanyang kainuman matapos ang mainitang pagtatalo na agad namang inaresto ng mga pulis at nakuha ang ginamit sa pananaga na isang itak o bolo.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek habang ang biktima ay dinala sa Dupax District Hospital ng mga rumespondeng kasapi ng MDRRMO Rescue Team.
Ayon kay PMaj. Villar, kasalukuyang nag-iinuman ang grupo ng suspek at dumating ang lasing nang biktima na nangulit at nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nagresulta ng pananaga ng suspek sa biktima.
Hindi naman mabatid ng pulisya kung ano ang pinag-awayan ng dalawa.
Sa ngayon ay nakatakdang sampahan ng kasong Frustrated Murder ang suspek na nasa kustodiya na ng Dupax Del Norte Police Station.





