--Ads--

Nasamsaman ng ilegal na droga ang isang lalaki matapos pahintuin sa isang police checkpoint dahil sa traffic violations San Atonino, Burgos, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Chief of Police ng Burgos Police Station, sinabi niya na habang nagsasagawa ng checkpoint ang kanilang tropa sa naturang lugar ay kanilang pinara ang isang motorcycle rider na walang suot na helmet at walang plaka ang motorsiklo.

Nang hingan ng iba pang kaukulang dokumento gaya ng driver’s license ay binuksan nito ang kaniyang motorsiklo kung saan nakasilid ang kaniyang lisensya ay napansin ng mga kapulisan ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinilang shabu.

Aminado naman ang suspek na sa kaniya ang nakitang kontrabando dahilan upang siya’y hulihin ng mga awtoridad.

--Ads--

Aniya, halos isang gramo ang nakuhang droga sa suspek na may estimated price na ₱5,000.

Batay umano sa salaysay ng suspek, galing umano siya sa bayan ng Roxas kung saan umano siya nakatira at nagtungo sa Burgos dahil sa mayroon itong ka-deal na isang indibidwal sa lugar.

Kaugnay nito ay mas pinaigting ng PNP Burgos ang pagsasagawa ng checkpoint at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang mapigilan ang illegal na aktibidad sa naturang bayan.