Isang lalaki mula Uruguay na naninirahan ngayon sa Italya ang kinilala ng Guinness World Records dahil sa kakaibang talento, ang pagpapalabas ng kanyang mga mata mula sa mga socket nito.
Si Williams Martin Sanchez Lopez, na tubong Montevideo, Uruguay at kasalukuyang naninirahan sa Milan, Italya, ay natuklasang kaya niyang paluwangin ang mga kalamnan sa paligid ng kanyang mga mata at ilabas ang mga ito na parang sa cartoon.
Sa isinagawang opisyal na pagsukat ng kanyang doktor, lumalabas na kayang umusli ng kanyang mga mata ng 0.74 pulgada, sapat upang makuha niya ang rekord para sa pinakamalayong eyeball pop (male category).
Dahil sa kanyang pambihirang talento, sumikat si Williams sa social media kung saan madalas siyang hilingang gawin ang trick habang binabanggit ang pangalan ng mga nanonood.