Kinilala ng Guinness World Records ang Japanese musician na si Manami Ito, 42, bilang kauna-unahang violinist na tumutugtog gamit ang full prosthetic arm.
Nawalan ng kanang braso si Ito sa isang car accident noong 2004. Gayunman, matapos ang tatlong taong pagsasanay, natutuhan niyang muling tugtugin ang violin gamit ang espesyal na prosthetic arm na kontrolado sa pamamagitan ng galaw ng kanyang katawan at balikat.
Bukod sa musika, naging Paralympian din siya at kinatawan ang Japan sa 2008 Beijing at 2012 London Paralympic Games bilang swimmer.
Isa sa mga naging highlight ng kanyang musical career ang pagtugtog ng violin sa opening ceremony ng Tokyo 2020 Paralympic Games.
Ayon kay Ito, ipinakita ng kanyang karanasan na maaaring magbukas ng hindi inaasahang oportunidad ang hindi pagsuko sa kabila ng mga pagsubok.











