--Ads--

Nauwi sa pagkakaaresto ng isang lalaki ang isang aksidente sa kalsada matapos madiskubre ng mga otoridad ang isang baril na walang kaukulang dokumento kasunod ng banggaan ng isang motorsiklo at van sa Lungsod ng Cauayan.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, naganap ang insidente dakong alas-11:50 kagabi, ika-5 ng Hunyo sa Barangay Minante Uno, Cauayan City.

Ang biktima ay isang 51-anyos na electrician at residente ng Barangay San Isidro, Cauayan City, na nagmamaneho ng isang van.

Ang suspek naman ay si alyas Winwin, 20 taong gulang at residente rin ng Cauayan City, na siyang nagmamaneho ng isang motorsiklo.

--Ads--

Sa paunang imbestigasyon, binabagtas umano ng biktima ang National Highway patungong Alicia, Isabela nang makarating sa tapat ng gusali ng National Irrigation Administration o NIA ay bigla umanong tumawid at pumasok sa southbound lane ang motorsiklo ng suspek mula sa kabilang linya ng kalsada.

Dahil dito, nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng dalawang sasakyan. Sa lakas ng impact, tumilapon ang ilang gamit mula sa utility box o U-box ng motorsiklo, kabilang ang isang caliber 22 revolver, isang cellular phone at P150 na cash.

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga rumespondeng pulis at sa isinagawang pagtatanong ay inamin umano ng suspek na siya ang may-ari ng nasabing baril.

Nang hingan siya ng mga dokumentong magpapatunay sa legal na pagmamay-ari nito ay bigo umano siyang magpakita ng anumang kaukulang papeles.

Dahil dito, inaresto ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang hinihintay ang karagdagang detalye kaugnay ng kaso.