Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa buong Isabela habang patuloy na kumikilos pa-kanlurang hilagang-kanluran ang Tropical Depression Luis sa karagatang silangan ng Aurora.
Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 200 kilometro silangan ng Baler, Aurora taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at may lawak ng malalakas na hangin na umaabot hanggang 160 kilometro mula sa sentro.
Bukod sa Isabela, nakataas din ang Signal No. 1 sa southern portion of Cagayan (Enrile, Tuguegarao City, Peñablanca), Quirino, northern portion of Aurora (Dinalungan, Casiguran, Dilasag, Dipaculao, Baler), Polillo Islands, northern portion of Camarines Norte (Daet, Talisay, Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Vinzons)
Ayon sa PAGASA, may minimal hanggang bahagyang banta sa buhay at ari-arian ang inaasahang epekto ng malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng wind signal.
Hindi rin inaalis ng ahensya ang posibilidad na itaas sa Signal No. 2 ang ilang lugar depende sa magiging galaw at paglakas ng bagyo.
Inaasahan namang magpapatuloy ang pagkilos ng Luis pa-hilagang-kanluran at posibleng mag-landfall sa Northern Luzon bukas ng hapon o gabi.
Posible rin itong lumakas bilang isang tropical storm sa loob ng susunod na 12 oras habang nasa silangan ng Central Luzon bago muling humina kapag lumapit o tumama sa kalupaan.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magpatuloy sa pagbabantay at pagsunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng buhay at ari-arian.











