--Ads--

Isinagawa sa Santiago City ang isang malawakang job fair na nag-alok ng nasa 1,789 job vacancies bilang bahagi ng pinaigting na inisyatiba ng pamahalaan upang matugunan ang suliranin sa kawalan ng hanapbuhay sa Rehiyon Dos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Remedios Vegim-Teves, Assistant Regional Director ng Department of Labor and Employment Region 2, sinabi nito na inaasahang magiging maayos at sistematiko ang proseso ng aplikasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang queuing system.

 Sa ilalim nito, tatawagin na lamang ng mga employer ang mga aplikante para sa kanilang pagsusumite ng requirements at interview.

Habang naghihintay, may pagkakataon din ang mga job seekers na makapanood ng mga informational videos ukol sa karapatan ng mga manggagawa, bilang bahagi ng adbokasiya ng DOLE na palakasin ang kamalayang legal at propesyonal ng mga naghahanap ng trabaho.

--Ads--

Binigyang-diin ng kagawaran na bukas ang naturang job fair sa lahat ng aplikante mula sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon Dos.

 Hinihikayat din ang publiko na samantalahin ang mga isinasagawang job fair sa Santiago City, Tuguegarao City, at bayan ng Aparri sa Cagayan bilang konkretong hakbang tungo sa mas masigla at matatag na merkado ng paggawa.