Libu-libong magsasaka ng mais at tabako sa lalawigan ng Isabela ang nakatanggap ng tig P10,125 pesos na ayuda mula sa lokal na pamahalaan, bilang tugon sa epekto ng matinding tag-init sa kanilang kabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricardo Laureta, isang magsasaka mula Barangay Buyon, Cauayan City, malaking tulong ang nasabing halaga lalo na’t labis na naapektuhan ang kanilang mga pananim.
Aniya, marami sa kanyang mga tanim ang natuyo, habang ang iba naman ay nagbunga ngunit maliit dahil sa matinding init ng panahon.
Dahil dito, lubos ang kanyang pasasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan na aniya ay makatutulong upang makabawi at makapagsimula muli sa kanilang pagsasaka.
Dagdag pa, malaki ang ambag ng mga magsasaka sa ekonomiya ng Isabela, lalo na’t kinikilala ang lalawigan bilang isa sa mga pangunahing corn-producing areas sa bansa.
Kaugnay nito, patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na makapagbigay ng suporta sa sektor ng agrikultura upang matulungan ang mga magsasaka na makabangon mula sa pinsalang dulot ng matinding init at iba pang hamon sa kanilang kabuhayan.











