Ipinaliwanag ng Liga ng mga Barangay National President Maria Katrina Jessica Dy ang mga pangunahing dahilan sa pagsusulong ng ilang mambabatas ng postponement o adjustment sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials sa isinagawang Mobile Session ng Sangguniang Panlalawigan sa Tumauini, Isabela nitong Agosto 10.
Ayon kay Dy, 12 panukalang batas na ang naihain sa House of Representatives habang dalawa naman sa Senado, bagama’t magkakaiba ang kanilang bersyon. Karamihan umano sa mga ito ay naglalayong i-adjust ang termino ng mga opisyal o ipagpaliban ang halalan.
Isa sa mga pangunahing konsiderasyon umano ay ang kasalukuyang fuel at economic crisis na nagdudulot ng pagtaas ng presyo at gastos. Kabilang dito ang budget ng COMELEC, na nahihirapang mag-finalize dahil sa patuloy na inflation.
Tinatayang aabot din sa P19 bilyon ang maaaring gastusin para sa halalan.
Isa pang konsiderasyon ang itinakdang petsa ng halalan na November 2, na isang holiday. Ayon kay Dy, mahalagang pag-isipan kung sino ang magbabantay at tutugon sa peace and order concerns sa mga komunidad kung abala rin sa halalan ang mga barangay officials.
Dagdag pa niya, may mga programa at pondong ipinapatupad ang national government sa 42,010 barangays na maaaring hindi na maipatupad nang maayos kung matapat sa election period ang pagdating ng pondo.
Sa kabila nito, sinabi ni Dy na kailangan pa ring timbangin kung mas makabubuti bang ituloy o ipagpaliban ang halalan, lalo na’t may magkakaibang panukala sa Kongreso.
Sa kasalukuyan, nakatakda pa rin ang Barangay at SK Elections sa November 2, 2026 habang hinihintay ang magiging aksyon ng mga mambabatas.











