--Ads--

Aminado ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan na naaapektuhan ng limitadong storage facility ng kanilang body-worn cameras ang bilis ng isinasagawang fire safety inspection sa Lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Francis David Barcellano, Fire Marshall ng Cauayan City, sinabi niya na simula nang maibaba sa kanila ang mga body-worn cameras noong Enero ng kasalukuyang taon ay nasa dry run stage pa rin ang kanilang tanggapan.

Bagama’t mayroon silang SD card na ginagamit ay nananatiling hamon ang kakulangan sa storage na nagiging dahilan upang hindi sila makapagsagawa ng mas maraming inspeksyon sa loob ng isang araw.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa mahigit-kumulang labinlimang establisyimento ang kanilang nai-inspeksyon araw-araw.

--Ads--

Sa kabuuan, tinatayang mahigit 3,800 establishment sa Lungsod ang kailangang sumailalim sa fire safety inspection ngunit hindi pa ito nakalahati ng kanilang tanggapan hanggang sa ngayon.

Bukod pa rito ay patuloy rin umano ang pagdami ng mga ipinapatayong establisyimento na kinakailangang dumaan sa masususing inspeksyon bago mabigyan ng fire safety clearance.

Gayunpaman, nilinaw ng City Fire Marshall na mas bumilis na ang kanilang operasyon kung ikukumpara noong unang ipinatupad ang paggamit ng body-worn cameras noong Enero.

Patuloy aniya ang kanilang pagsasaayos ng sistema upang mapabilis pa ang proseso at matiyak ang maayos at transparent na implementasyon ng fire safety inspection.