Muling naging usap-usapan ang aktres na si Liza Soberano matapos ibahagi ang kaniyang pananaw tungkol sa pelikulang My Ex and Whys sa isang podcast.
Sinabi ni Liza na nagustuhan pa rin niya ang pelikula sa kabuuan, ngunit mas nakikita na niya ngayon ang problematikong pagtrato at paglalarawan sa kaniyang karakter, partikular sa paraan ng pagharap nito sa pagtataksil ng kaniyang dating karelasyon.
Ayon sa aktres, naging kontrobersyal ang takbo ng kuwento dahil matapos lokohin ng kaniyang karakter, siya pa ang napintasan at nakansela dahil sa mga isinulat niya tungkol sa kanilang relasyon. Sa bandang huli, kinailangan pa umano nitong makipag-ayos sa dating nobyo upang patunayang maayos ang kanilang relasyon.
Samantala, kinumpirma rin ni Liza na hindi na sila gaanong nag-uusap ng dating ka-love team at real-life partner na si Enrique Gil dahil kapwa nila binibigyan ang isa’t isa ng pagkakataong magpatuloy sa kani-kanilang buhay at karera.
Matatandaang unang sinabi ni Liza na nagtapos sa maayos na paraan ang kanilang relasyon, ngunit kinailangan nilang dumistansya sa isat isa upang maihiwalay ang kanilang mga sarili sa kanilang dating tambalang LizQuen.
Nagdulot naman ng magkakaibang reaksiyon ang kaniyang mga pahayag, kung saan ipinagtanggol ng ilang tagahanga ang karapatan niyang baguhin ang pananaw sa mga dating proyektong kaniyang ginawa, habang may iba namang bumatikos sa kaniyang mga komento.










