--Ads--

Nasungkit ng isang 99-anyos na lola ang Guinness World Record bilang oldest person to crowd surf.

Buong-tapang na naki-ride sa gitna ng concert crowd si Pauline Kana, na mas kilala sa internet bilang si “Gangster Granny”. Ang crowd surfing ay isang aktibidad sa mga concert kung saan binubuhat at ipinapasa-pasa ng mga manonood ang isang tao sa ibabaw ng kanilang mga kamay habang umaandar ito sa ibabaw ng karamihan.

Naganap ang pambihirang tagumpay noong nakaraang buwan sa concert ng country-rock musician na si Brantley Gilbert sa Texas. Sa tulong ng kanyang apong si Ross Smith, binuhat si Pauline ng mga manonood habang nakahiga sa isang stretcher patungo sa harap ng entablado . Bagama’t noong una ay nakakapit ito sa gilid ng stretcher, kalaunan ay masaya na nitong ikaway ang kanyang mga kamay habang nakangiti nang malawak.

Sikat ang mag-lola sa social media kung saan mayroon silang halos 25 million followers sa TikTok at 4 million sa Instagram dahil sa kanilang mga nakatutuwang skits.

--Ads--

Ayon kay Pauline, labis niyang ikinatutuwa na ang kanilang mga videos ay nagiging tulay upang muling mapalapit ang mga kabataan sa kanilang mga lolo at lola. Matapos ang concert, masayang isinigaw ni Pauline habang hawak ang kanyang Guinness certificate na siya na ang pinaka-astig na lola sa buong mundo.