Pinalalawak pa ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa iba’t ibang lugar na posibleng pinagtataguan ng senador.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigit 500 impormasyon na ang natanggap ng kanilang hanay hinggil sa posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa.
Kabilang sa mga sinusuri ng mga awtoridad ang mga ulat mula sa Western at Eastern Mindanao, Visayas at Northern Luzon, gayundin ang posibilidad na nasa isang isla ang senador na hindi pa pamilyar kay Nartatez.
Patuloy namang bineberipika ng PNP ang mga natanggap na impormasyon upang matukoy kung alin ang maaaring magbigay ng konkretong direksyon sa kanilang operasyon.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Nartatez na papalapit na ang mga awtoridad sa pagtukoy sa kinaroroonan at pagkakaaresto sa senador, na aniya ay hindi maaaring magtago habambuhay.
Matatandaang may nakalaang P50 milyong pabuya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa impormasyong magbibigay-daan sa pagkakaaresto kay Dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.











