Iminungkahi ng National Public Transport Coalition (NPTC) na tiyaking maayos muna ng pamahalaan ang Land Transportation Management System (LTMS) bago tuluyang alisin ang lumang information technology system na pinapatakbo ng STRADCOM Corporation sa Land Transportation Office (LTO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng NPTC, sinabi niyang may mga problema sa transition mula sa STRADCOM system patungo sa LTMS kaya ilang ulit na na-extend ang paggamit sa lumang sistema.
Aniya, bago pa man nagsimula ang kontrata ng STRADCOM sa gobyerno para sa LTO IT System ay nagsilbi na siyang consultant sa Office of the President at nagpatuloy ang paggamit sa sistema hanggang sa paglipat sa LTMS.
Ipinaliwanag ni Lim na pabor sana sa mga motorista ang LTMS dahil government-owned system ito na idinisenyo upang maging pangunahing platform para sa driver licensing at vehicle registration nang hindi na kailangang magbayad ng karagdagang computer fee sa bawat transaksyon.
Gayunman, sinabi niyang hindi naging maayos ang transition dahil hindi agad nakaayon ang computer system ng LTO sa LTMS. Dahil dito, napilitan umanong ipagpatuloy ang paggamit sa STRADCOM system dahil mas madali itong gamitin para sa ilang transaksyon.
Ayon kay Lim, ilang taon na ring napag-uusapan sa Senado ang isyu. Aniya, dapat tingnan hindi lamang ang malaking halaga ng computer fees na nakokolekta sa pamamagitan ng lumang sistema kundi pati ang kahandaan ng LTMS bago tuluyang alisin ang STRADCOM.
Kasunod ng ulat na umabot sa ₱13.3 bilyon ang karagdagang computer fees na siningil sa mga motorista mula 2019 hanggang 2025, may mga panawagan nang tuluyang alisin ang STRADCOM sa LTO.
Ngunit iginiit ni Lim na kailangang tiyakin muna ng pamahalaan na naayos na ang mga problema sa LTMS bago tuluyang ihinto ang paggamit sa lumang sistema.
Mas mainam din aniya kung pansamantalang parehong magagamit ang STRADCOM at LTMS upang magkaroon ng pagpipilian ang mga motorista kung saan nila nais isagawa ang kanilang mga transaksyon sa LTO habang hindi pa naayos ang problema sa Sistema.











