Nababahala ang mga awtoridad sa patuloy na pagmamaneho ng mga menor de edad sa mga lansangan, kasabay ng panawagang paigtingin ng mga magulang ang kanilang paggabay at pangangasiwa upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang paglabag sa batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, sinabi nitong nananatiling prayoridad ng kanilang tanggapan ang kampanya laban sa mga menor de edad na nagmamaneho ng sasakyan nang walang lisensya at sapat na kwalipikasyon.
Binigyang-diin ni Buendia na may mahalagang pananagutan ang mga magulang sa usaping ito sapagkat hindi naman umano makapagmaneho ang kanilang mga anak kung hindi sila pinahihintulutang gumamit ng sasakyan.
Aniya, dapat tiyakin ng mga magulang na nasa wastong edad ang kanilang mga anak at nakasusunod sa mga itinakdang rekisito bago payagang humawak ng manibela.
Ayon pa sa opisyal, kadalasang nauuwi sa pagsisisi ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, lalo na kapag nagkaroon ng aksidente na maaaring magdulot ng kapahamakan hindi lamang sa nagmamaneho kundi maging sa ibang gumagamit ng kalsada.
Dahil dito, muling nanawagan ang LTO sa mga magulang na maging mas mapagmatyag at responsable sa pagbabantay sa kanilang mga anak upang maiwasan ang anumang trahedya at pananagutang maaaring kaharapin sakaling magkaroon ng paglabag o aksidente.
Iginiit naman ng tanggapan na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga lumalabag sa batas trapiko upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan.











