Patuloy na inilalapit ng Land Transportation Office o LTO ang kanilang mga serbisyo sa mga residente ng malalayong barangay sa Region 2 sa pamamagitan ng programang “License the Outskirts”, kabilang ang libreng Theoretical Driving Course o TDC para sa mga kwalipikadong aplikante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio Tudao ng LTO Region 2, sinabi niya na , bahagi ng programa ang pagpunta ng kanilang mga tauhan sa mga far-flung barangay upang maghatid ng mga serbisyo, kabilang ang libreng TDC na kinakailangan para sa pagkuha ng student driver’s permit.
Kinakailangan lamang umanong magsumite ng certification mula sa barangay na nagpapatunay na indigent ang aplikante at hindi nito kayang magbayad para sa TDC sa isang pribadong driving school.
Pinapayuhan naman ang mga interesadong aplikante na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na LTO field office upang malaman ang iskedyul at lugar ng isasagawang License the Outskirts at magpalista para sa libreng TDC.
Samantala, isinasagawa rin ng LTO ang Mobile Registration kung saan dinadala ang kanilang mga serbisyo sa mga bayan at malalayong barangay.
Kabilang dito ang pagdadala ng emission testing services at iba pang kinakailangang proseso upang maiparehistro ang mga sasakyan nang hindi na kailangang bumiyahe pa ng mga kliyente patungo sa tanggapan ng LTO.
Ayon sa ahensya, maaaring isagawa nang sabay o magkahiwalay ang License the Outskirts at Mobile Registration, depende sa serbisyo na iniaalok ng partikular na LTO field office.
Maaari ring kabilang sa License the Outskirts ang iba pang serbisyo gaya ng renewal ng driver’s license.
Para naman sa iskedyul, hinihikayat ang publiko na bantayan ang mga anunsyo mula sa LTO field offices, gayundin ang mga post sa kanilang opisyal na portal at social media accounts.
Layunin ng mga programang ito na mailapit ang serbisyo ng LTO sa mga mamamayan, partikular sa mga nakatira sa malalayong lugar at sa mga may limitadong oras o kakayahang bumiyahe patungo sa kanilang mga tanggapan.










