Naging matagumpay at ayon sa inaasahan ang operasyon kay Pope Leo XIV nitong Martes upang alisin ang maliit na bukol sa kaniyang baga, ayon sa Vatican.
Na-admit ang 71-anyos na Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy, para sa naturang operasyon matapos matukoy ang maliit na nodule sa kaniyang baga sa isang kamakailang medical check-up.
Ayon sa Vatican press office, inaasahang aabot ng humigit-kumulang isang linggo ang paggaling ng Santo Papa.
Nahalal si Pope Leo XIV bilang pinuno ng Simbahang Katolika noong Mayo 2025.
Samantala, ayon sa mga eksperto, maaaring benign o hindi kanser ang mga bukol sa baga. Gayunman, nakadepende sa ilang salik, kabilang ang edad at laki ng bukol, ang panganib na ito ay maging kanser.
Patuloy namang hinihiling ng ilang diyosesis at lider ng Simbahang Katolika ang panalangin ng mga mananampalataya para sa mabilis at ganap na paggaling ng Santo Papa.











