--Ads--

Mas pinag-iigting ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang turismo ngayong summer season kasabay ng pagdagsa ng mga turistang bumibisita sa kanilang mga pangunahing atraksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arvin Perez, City Environment and Natural Resources Officer o CENRO ng Ilagan, sinabi niya na tuwing panahon ng tag-init ay mas dumarami ang mga residente at turistang nagtutungo sa iba’t ibang pasyalan sa lungsod, hindi lamang mula sa Isabela kundi maging sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Dahil dito, sinasamantala ng lungsod ang summer vacation upang lalo pang mapalago ang sektor ng turismo habang pinananatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga tourist destinations.

Tiniyak naman ni Perez na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa mga awtoridad upang masiguro ang seguridad ng mga turista gayundin ang kalinisan sa mga pasyalan upang magkaroon ng maayos at magandang karanasan ang bawat bumibisita.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing tourist destinations sa lungsod ang Abuan River Adventure and Eco Park, Ilagan Sanctuary at ang Japanese Tunnel na patuloy na dinarayo ng mga turista ngayong tag-init.