Mas pinaigting ng Cabagan Police Station ang police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang mapanatiling mapayapa ang bayan ng Cabagan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Danilo Malab Jr., Officer-in-Charge ng Cabagan Police Station, sinabi nito na nananatiling generally peaceful ang peace and order, public safety at security situation sa kanilang nasasakupan dahil wala silang naitatalang malalaking insidente na nakaaapekto sa kaayusan ng bayan.
Ayon kay Malab, vehicular accidents ang isa sa mga madalas na naitatalang insidente sa Cabagan ngunit nababawasan na ito dahil sa mga ipinatutupad na intervention ng mga awtoridad.
Patuloy rin aniyang binabantayan ng Cabagan at Santa Maria Police Stations ang Cabagan-Santa Maria Bridge upang matiyak na walang mga sasakyang lalampas sa itinakdang load limit ng tulay.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, patuloy nilang mino-monitor ang mga dating naitalang drug personalities habang nananatiling drug-free ang bayan ng Cabagan.
Bilang bagong hepe ng himpilan, prayoridad ni Malab ang pagbisita sa mga barangay, lalo na sa mga malalayong lugar, upang malaman ang mga suliranin ng mga residente at mapalakas ang tiwala ng komunidad sa kapulisan.
Pinaiigting din nila ang pagsasagawa ng simultaneous checkpoints at mga dayalogo sa mga paaralan upang mapigilan ang kriminalidad at karahasan sa mga estudyante.
Samantala, kabilang sa kanilang mga naging accomplishment ang pagkakaaresto sa isang most wanted person na nahaharap sa kasong human trafficking.
Mas mahigpit na rin ang pagbabantay ng pulisya sa mga bar at iba pang establisimyento matapos masangkot ang isang menor de edad sa umano’y kaso ng pambubugaw upang maiwasan ang kahalintulad na insidente at iba pang krimen.











