Puspusan na ang paghahanda ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan para sa ika-340 Founding Anniversary ng Ilagan na gaganapin sa Mayo 4.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng LGU Ilagan, sinabi niya na nagsagawa ng executive meeting kahapon si Mayor Jay Diaz upang pag-usapan at i-finalize ang mga aktibidad para sa Aggaw na Ilagan.
Ayon kay Ginoong Bacungan, layunin ng lokal na pamahalaan na maging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang selebrasyon para sa mga mamamayan sa kabila ng limitasyon sa resources.
Dahil sa kasalukuyang nararanasang krisis sa enerhiya sa bansa, minabuti ng lokal na pamahalaan na ituon na lamang sa mga social services ang mga aktibidad sa buong pagdiriwang, sa halip na magdaos ng malalaking palabas at engrandeng selebrasyon.
Ilan sa mga nakaplanong aktibidad ay ang blessing ng City of Ilagan College, na nakatakdang magbukas sa Agosto 2026, kasunod ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Adamson University, na inaasahang magbibigay ng mas malawak na oportunidad sa edukasyon para sa mga Ilagueño.
Inanunsyo rin ng City of Ilagan Medical Center ang kanilang libreng Medical, Dental, at Circumcision Services sa ilalim ng Dulog at Dinig Program na gaganapin din sa nasabing araw, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod.
Maliban dito, magkakaroon din ng distribusyon ng mga alagang baka, binhing palay, pataba, at bigas para sa mga magsasaka, partikular sa western region ng lungsod, upang makatulong sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan at produksyon sa agrikultura.
Dagdag pa rito, inaasahan din ang pakikilahok ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na maghahandog ng iba’t ibang serbisyo tulad ng medical assistance, dokumentasyon, at iba pang serbisyo upang mas mapalapit ang tulong sa mga mamamayan.
Sa kabuuan, nakatuon ang selebrasyon ng Aggaw na Ilagan ngayong taon sa pagbibigay-serbisyo at direktang tulong sa komunidad, bilang tugon sa kasalukuyang hamon sa ekonomiya at enerhiya.









