Patuloy na ipinatutupad ng Santiago City Parole and Probation Office ang iba’t ibang programang nakatuon sa rehabilitasyon ng mga probationer at parolee, habang hinihikayat ang mga kliyente na sumunod sa mga itinakdang kondisyon upang maiwasan ang revocation o pagkakansela ng kanilang pribilehiyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Probation and Parole Officer Genevieve Damit-og, nakapaloob sa kanilang programa ang limang pangunahing treatment categories na naglalayong mapabuti ang kabuuang kalagayan ng kanilang mga kliyente.
Kabilang dito ang relational, na tumutukoy sa maayos na pakikipag-ugnayan sa pamilya at komunidad; emotional o psychological, na nakatuon sa tamang pamamahala ng emosyon at stress; at cognitive o intellectual, na nagpapalakas sa kakayahang umunawa at gumawa ng wastong desisyon.
Kasama rin ang spiritual, na nagbibigay-diin sa pagpapahalaga sa pananampalataya at moralidad, at psychomotor o vocational, na naglalayong malinang ang kasanayan ng mga kliyente upang maging produktibo at magkaroon ng kabuhayan.
Binigyang-diin ni Damit-og na mahalagang aktibong makilahok ang mga probationer at parolee sa mga programang ito upang matulungan silang makabalik nang maayos sa lipunan.
Dagdag pa niya, ang hindi pagsunod sa mga kondisyon ng probation o parole ay maaaring magresulta sa revocation o tuluyang pagkakansela ng kanilang pribilehiyo.











