Opisyal na kinilala ng Guinness World Records ang tagumpay ng magkaibigan na sina Sujoy Kumar Mitra at Prateek Choraria matapos nilang bisitahin ang 42 libraries sa buong New Delhi sa loob lamang ng isang araw.
Naganap ang record-breaking feat noong December 10, 2025. Ayon sa ulat, hindi naging madali ang nasabing hamon. Kinailangan ng dalawa na gumugol ng 60 days para lamang sa pagpaplano at pagkuha ng permits. Iba umano ito sa ibang records kung saan puwedeng bumili lang ng ticket; sa mga aklatan, kinailangan nilang makipag-ugnayan sa mga librarians, magsumite ng request letters, at kumuha ng security clearance bago payagang makapasok at maitala ang kanilang pagbisita.
Ito ang ikalawang record attempt nina Mitra at Choraria. Noong April 2025, sinubukan nilang bisitahin ang 61 libraries ngunit nabigo itong ma-verify dahil sa hindi pagsunod sa mahigpit na official guidelines. Si Mitra ay hindi bago sa larangan ng world records; siya ay isang avid traveler na nakapunta na sa lahat ng bansa ng United Nations at kasalukuyang may hawak na 14 Guinness titles, kabilang ang mabilisang pagbisita sa Seven Wonders of the World sa loob lamang ng limang araw.
Sa kabila ng hirap ng pagtakbo at pagsakay sa pampublikong transportasyon sa buong maghapon, desidido ang dalawa na tapusin ang hamon. Ang layunin nila ay hindi lamang para sa titulo, kundi upang imulat ang publiko sa yaman ng kaalaman o “knowledge bank” ng kanilang lungsod. Nais din ni Mitra na magsilbing ehemplo ito sa kanyang 8-years-old na anak na si Rahyl at sa ibang kabataan, na tangkilikin ang pagbabasa ng pisikal na libro sa mga local libraries kaysa umasa lamang sa impormasyon mula sa internet.






