--Ads--

Pinalalakas sa lalawigan ng Isabela ang mga operasyon sa kalsada na nakatuon sa pangkalahatang crime prevention sa pamamagitan ng mas aktibong police visibility at tuloy-tuloy na mobile patrols sa mga pangunahing lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Highway Patrol Group Isabela, sinabi nito na araw-araw ang kanilang operasyon katuwang ang territorial police units upang matiyak ang presensya ng mga awtoridad at maiwasan ang anumang uri ng krimen sa kalsada.

Layunin ng hakbang na maglatag ng deterrence sa pamamagitan ng regular na pagpapatrulya sa mga high-risk areas tulad ng mga highway at inter-municipal roads, kung saan madalas naiulat ang mga insidente ng krimen laban sa mga motorista.

Binibigyang-diin din ang koordinasyon ng iba’t ibang police units upang mapabilis ang palitan ng impormasyon at mas mapalakas ang monitoring sa mga kahina-hinalang sasakyan at aktibidad.

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, mahalaga ang police visibility bilang paraan upang maiwasan ang krimen bago pa ito mangyari, sa halip na umasa lamang sa pagresponde pagkatapos ng insidente.

Patuloy namang pinapaalalahanan ang publiko na maging maingat sa biyahe at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang pangyayari sa kalsada.