CAUAYAN CITY– Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isang magsasaka matapos makumpiskahan ng baril at 4 na bala sa Daragutan East, San Mariano, Isabela
Ang suspek ay si Edgar Atara, 42 anyos , magsasaka, at residente ng . Dipusu, San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PStaff Sgt. Rogelio Ignacio Jr.,Investigator ng San Mariano Police Station, sinabi niya na nakipag-ugnayan si Brgy. Kapitan Marcelino Languido ng Barangay Daragutan East sa mga kasapi ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army at 4th Platoon ng 1st Provincial Mobile Force Company na nagsasagawa ng Community Support Program sa kanilang barangay nang makatanggap ng impormasyon tungkol sa pagtungo ng suspek sa bahay ng kanyang pinsan na si Rodelito Espiritu, 53 anyos , may asawa, at residente ng nasabing barangay na lasing at may dalang baril.
Sa pagtungo nila sa lugar ay nakumpiska nila sa pag-iingat ng suspek ang isang improvised na baril at mga bala.
Ayon kay PStaff Sgt. Ignacio, napulot lamang umano ni Atara ang naturang baril sa kanyang sinasakang lupa.
Away naman sa lupa ang nakikitang dahilan ng pagbabanta ng suspek sa kanyang pinsan.





