Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ginawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mabawasan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa mga Pilipino, kasabay ng paglalaan ng mahigit ₱60 bilyon para sa mga programang ayuda hanggang sa katapusan ng taon.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na agarang kumilos ang buong pamahalaan nang maramdaman sa bansa ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan upang matulungan ang mga sektor na naapektuhan.
Ayon kay Marcos, kinilala rin ng ibang bansa ang bilis at pagiging maagap ng pagtugon ng Pilipinas sa nasabing krisis.
Bagama’t limang buwan na ang nakalipas mula nang sumiklab ang digmaan, sinabi ng Pangulo na patuloy pa ring nararamdaman ng bansa ang epekto nito kaya magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan hangga’t kinakailangan.
Inihayag din niya na ang mga pondong nasagip mula sa mga katiwalian ay ilalaan sa mga programang makatutulong sa mas maraming mahihirap na Pilipino.
Kabilang sa mga prayoridad na makatatanggap ng ayuda ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, 1.5 milyong minimum wage earners na miyembro ng Social Security System (SSS), at 2.5 milyong mahihirap na Pilipinong hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Dagdag pa ng Pangulo, magpapatuloy rin ang suporta para sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng krisis, kung saan mahigit 7.5 milyong pamilya ang inaasahang makikinabang sa mga programa ng gobyerno.











