--Ads--

Mahigpit na tinututukan ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) ang mga consumers na may naantalang pagbabayad ng kanilang bayarin sa kuryente, matapos maitala ang mahigit isang libong naputulan ng serbisyo sa lungsod ng Santiago ngayong Pebrero.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Noemi Valdez, ang Branch Office Supervisor ng ISELCO 1–Santiago Branch Office, sinabi nito na maaaring maputulan ng kuryente ang isang consumer kapag umabot na sa isang buwan at labing-isang araw ang pagkaantala ng bayad, kasama ang karagdagang apatnapu’t walong oras matapos mabigyan ng kaukulang abiso.

‎Batay sa talaan ng tanggapan, 1,413 na consumers ang naputulan ng serbisyo ngayong Pebrero dahil sa hindi pagbabayad. Noong Enero naman ay umabot sa 2,279 ang naitalang naputulan.

‎Noong nakaraang taon, tinatayang labing-apat na libong consumers ang nakapagtala ng delayed payments ngunit kalaunan ay nakapagbayad din ng kanilang obligasyon.

--Ads--

‎Kabilang sa mga barangay na may pinakamaraming hindi updated sa pagbabayad ang Barangay Patul, Rizal, Caloocan, at Victory. Sa Barangay Victory lamang ay may naitalang animnaraang siyam na consumers na may hindi pa nababayarang accounts.

‎Sa kabila nito, muling nananawagan ang ISELCO 1 sa lahat ng consumers na maging responsable at maagap sa pagbabayad ng kanilang electric bills upang maiwasan ang pagkaputol ng serbisyo.

Paalala ng tanggapan na ang kuryente ay mahalagang pangangailangan sa araw-araw, mula sa kabuhayan, edukasyon, hanggang sa kaligtasan ng bawat pamilya kaya’t hinihikayat ang mga may obligasyon na agad makipag-ugnayan sa kanilang branch office kung may pinagdadaanang problema sa pagbabayad.

‎Bukas ang ISELCO 1 sa pakikipag-ugnayan at pagbibigay ng tamang impormasyon hinggil sa kanilang accounts, at pinaaalalahanan ang publiko na huwag hintaying maputulan bago kumilos. Sa maagap na pakikipag-ugnayan at pagbabayad, maiiwasan ang karagdagang abala, penalties, at gastusin sa reconnection.