Nakiisa ang 194 probationers at parolees sa pagdiriwang ng ika-50 Golden Anniversary ng Parole and Probation Administration (PPA) sa Cauayan City bilang paggunita sa pagkakapirma ng Presidential Decree No. 968 o Probation Law of the Philippines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., Chief ng Parole and Probation Office, layunin ng pagdiriwang na ipaalala sa mga probationers at parolees ang kahalagahan ng PD 968, na nilagdaan bilang batas noong Hulyo 24 at nagsisilbing batayan ng pagpapatupad ng probation at parole sa bansa.
Sinabi ni Ginoong Almeda na may kabuuang 194 na kliyente ang kanilang tanggapan, kung saan 15 ang mga parolees at 179 naman ang mga probationers. Ang mga kalahok ay nagmula sa Cauayan City at mga bayan ng Luna, Cabatuan, San Mateo, Alicia, Angadanan, at San Guillermo. Aniya, taun-taon nilang isinasagawa ang naturang pagdiriwang upang mapalakas ang kamalayan ng kanilang mga kliyente tungkol sa layunin at kahalagahan ng probation at parole.
Kasabay ng selebrasyon, namahagi rin ang Parole and Probation Office ng livelihood assistance sa 10 benepisyaryong kliyente sa ilalim ng programa ng Department of Labor and Employment (DOLE). Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng ₱20,000 bilang panimulang puhunan para sa kanilang kabuhayan.
Hinikayat naman ni Almeda ang mga indibidwal na nais malaman ang tungkol sa probation at parole at iba pang programa ng kanilang tanggapan na bumisita sa Parole and Probation Office upang makakuha ng tamang impormasyon at mapakinabangan ang mga serbisyong iniaalok ng ahensya.











