Nakiisa ang Atin Ito Coalition sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at mahigit 2,000 kalahok sa isinagawang West Philippine Sea Parade bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng pagpapakita ng suporta sa karapatan at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea kasabay ng pag-alala sa makasaysayang arbitral ruling na pumabor sa bansa noong 2016.
Dinaluhan ang parada ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kabataan, mangingisda, civil society organizations at iba pang grupo na nagpahayag ng kanilang suporta sa patuloy na pagsusulong ng karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Ayon sa Atin Ito Coalition, layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng West Philippine Sea at ang kahalagahan ng arbitral award sa pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa sa loob ng eksklusibong sonang pang-ekonomiya nito.
Ang 2016 South China Sea Arbitral Award ay inilabas ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands kung saan pinawalang-bisa ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea sa ilalim ng tinatawag na nine-dash line at kinilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.











