--Ads--

Umabot sa 2,424 silid-aralan ang napinsala dahil sa malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat, ayon sa paunang assessment ng Department of Education (DepEd).

Sa datos ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), 403 silid-aralan ang tuluyang nasira, 505 ang nagtamo ng matinding pinsala, at 1,516 naman ang may bahagyang pinsala.

Patuloy pang bineberipika ng DepEd ang mga ulat upang matukoy ang mga paaralang dapat unahing maipaayos at malinis.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pinabibilis ng DepEd at Department of Labor and Employment (DOLE) ang rehabilitasyon ng mga naapektuhang paaralan.

--Ads--

Sa ilalim ng TUPAD-Brigada Eskwela initiative, nakapagdeploy na ang DOLE ng 168,517 pansamantalang manggagawa sa 9,186 pampublikong paaralan at nakapaglaan ng ₱1.07 bilyong ayuda para suportahan ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay Angara, malaking tulong ang emergency labor assistance ng DOLE upang mapabilis ang paglilinis at pagkukumpuni ng mga paaralang naapektuhan ng habagat at maiwasan ang pagkaantala sa pag-aaral ng mga estudyante.