--Ads--

Umabot sa 2,134 na pamilya ang apektado matapos sumiklab ang sunog sa Parola Compound, Binondo, Maynila na tumupok sa mga kabahayan bandang alas-3:00 ng hapon nitong Sabado, Mayo 23.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa magkakadikit na kabahayan, itinaas ang fire alarm sa Task Force Bravo bandang alas-4:00 ng hapon, na umabot naman sa Task Force Charlie pagsapit ng alas-5:00 ng hapon.

Nahihirapan ang mga bumbero na makontrol ang sunog habang pilit namang inililikas ng mga residente ang kanilang mga gamit at mahahalagang ari-arian. Mas naging komplikado pa ang pagresponde dahil nasa baybayin ng Manila Bay ang apektadong lugar.

Ayon sa pamahalaang lungsod ng Maynila, nakikipag-ugnayan na ito sa Philippine Air Force para sa posibleng aerial support upang makatulong sa operasyon ng pag-apula ng apoy.

--Ads--

Samantala, idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fire out na ang sunog bandang alas-12:17 ng madaling araw ng Linggo, Mayo 24.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog habang pinapayuhan ang publiko na umiwas muna sa lugar habang isinasagawa ang clearing at monitoring operations ng mga awtoridad.