--Ads--

Dalawang sunog ang sumiklab sa Magat Plantation sa Sitio Limbo at Sitio Siyete, Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya, noong Marso 3 at Marso 7, 2026, na sumira sa humigit-kumulang 66.6 hektarya ng forest plantation na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).

Ayon sa NIA-MARIIS, sa kabila ng mga preventive measures gaya ng pagtatayo ng firelines, ang sunog na nagsimula bandang alas-3:30 ng madaling araw ng Marso 7 ay mabilis kumalat dahil sa parehong creeping at running fire behavior.

Agad namang rumesponde ang field personnel ng NIA-MARIIS Dam and Reservoir (DRD) at nakipagkoordina sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa Diadi. Ginamit nila ang swatting techniques at knapsack sprayers bilang unang hakbang sa pagsugpo ng apoy. Pinagtuunan ng mga firefighting teams, kasama ang mga BFP responders, ang containment at pagtatayo ng karagdagang emergency firelines.

Idineklara ang sunog na kontrolado bandang alas-8:30 ng gabi.

Isang field validation na isinagawa noong Marso 9, 2026, ng Watershed Management Section (WMS) ng DRD kasama ang BFP Diadi ay nagpakita na nasunog ang tinatayang 21,500 seedlings ng iba’t ibang uri ng punong-kahoy tulad ng Narra, Molave, Eucalyptus, at Tuai. Bukod dito, nasira rin ang ilang matatandang punong tumubo nang kusa sa apektadong lugar.

--Ads--

Ayon pa sa NIA-MARIIS, magsasagawa sila ng replanting sa nalalapit na tag-ulan upang maibalik ang nasirang plantation at mapabuti ang survival rate ng mga seedlings.

Nangako rin ang ahensya na palalakasin pa ang kanilang fire prevention at monitoring measures upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap.