Mahigit 60 katao ang iniulat na dinukot ng mga armadong lalaki matapos nilang salakayin ang isang mosque at ilang nayon sa Niger State sa Nigeria.
Ayon sa pulisya, sinalakay ng mga armado ang Kpenya Mosque at mga kalapit na komunidad noong Biyernes. Nagpadala na ng mga tauhan ng seguridad sa lugar upang magsagawa ng rescue operation.
Bagama’t wala pang kumpirmadong bilang ng mga dinukot at nasawi, sinabi ng ilang residente na may mga napatay sa pag-atake.
Ayon kay Jibril Ahmad, isa sa mga nakaligtas, ang grupong Lakurawa ang nasa likod ng pag-atake. Aniya, daan-daang armadong kalalakihan ang umatake matapos ang panalangin sa mosque.
Sinabi rin niya na nakipaglaban ang isa pang grupong tinatawag na Mahmuda sa mga salarin, dahilan upang makatakas ang ilan sa mga bihag.
Nagpatuloy umano ang karahasan hanggang Sabado at may isang pamilya ring nasawi matapos sumabog ang landmine na itinanim sa kalsada habang sila ay tumatakas.
Patuloy na nahaharap ang Nigeria sa problema ng malawakang pagdukot na ginagawa ng mga armadong grupo sa ilang bahagi ng bansa.






