--Ads--

Umabot na sa 6,142 ang mga establisyimento sa Lungsod ng Santiago na nakapag-renew na Business Permit bago ang itinakdang deadline noong Enero 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Artemio Villaluz Jr., Department Head ng Santiago City Licensing Office, sinabi nito na may karagdagan pang 432 na bagong negosyo ang nairehistro ngayong taon, patunay umano ng patuloy na paglago ng negosyo sa Lungsod.

Ipinaliwanag na niya na ang renewal period ay itinakda hanggang Enero 20 alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code at nang Local Revenue Code ng Santiago City.

Aniya, ang mga negosyong hindi nakapag-renew sa takdang petsa ay papatawan ng kaukulang penalties at interes batay sa umiiral na batas.

--Ads--

Mayroon aniyang dagdag na dalawang bahagdang interes kada buwan ang hindi nababayarang business tax habang hindi pa nakakapag-renew ang isang establishimento.

Pagsapit ng buwan ng Marso ay madaragdagan pa ng anim na bahagdang surcharge ang obligasyon ng mga hindi pa nakakapag-ayos ng kanilang permit.