Hinikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga overseas Filipino workers (OFWs), kabilang ang mga repatriated workers, na samantalahin ang mga libreng skills training program ng ahensya upang mapalawak ang kanilang oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Director Vilma Cabrera ng TESDA, sinabi nito na katuwang ng ahensiya ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagbibigay ng mga programang nakatuon sa skilling, re-skilling at up-skilling ng mga OFW.
Ayon kay Director Cabrera, kabilang sa mga bagong kursong iniaalok ng TESDA ang mga programang may kaugnayan sa Artificial Intelligence (AI) at Data Analytics upang maihanda ang mga manggagawang Pilipino sa mabilis na pagbabago ng pandaigdigang labor market.
Sinabi niya na mahalagang matutunan ng mga OFW ang mga makabagong teknolohiya dahil ito na ang isa sa mga pangunahing kinakailangan sa maraming trabaho sa iba’t ibang bansa.
Dagdag pa niya, katuwang ng TESDA sa pagpapatupad ng AI training program ang STI sa Cauayan City kung saan maaaring mag-enroll ang mga interesadong OFWs.
Bukod dito, patuloy ring ipinatutupad ng ahensya ang mga scholarship program para sa short-term at long-term courses kabilang ang diploma programs na may kasamang allowance, book allowance, uniform allowance at insurance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
May mga scholarship din sa ilalim ng Skills Training for Employment Program (STEP) kung saan bukod sa libreng pagsasanay ay nakatatanggap din ng toolkit ang mga nagtapos upang magamit sa pagsisimula ng kanilang sariling kabuhayan.
Tiniyak naman ng TESDA na handa ang kanilang mga partner training institutions na tumanggap ng mga aplikante at hinihikayat ang publiko na samantalahin ang mga libreng programang iniaalok ng ahensya.
Sa kasalukuyan, mayroon nang humigit-kumulang 89 na technical vocational institutions sa buong lalawigan ng Isabela na nag-aalok ng iba’t ibang TESDA-accredited training programs.











