Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mahigit 80,000 guro at school heads sa mga pampublikong paaralan ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression Program habang mahigit 30,000 bagong teaching positions ang nalikha upang palakasin ang sektor ng edukasyon.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na bahagi ito ng mga hakbang ng administrasyon upang mapabuti ang kalagayan at oportunidad ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Marcos, katuparan ito ng kanyang pangako noong nakaraang taon na tiyaking wala nang pampublikong guro ang magreretiro sa pinakamababang ranggo na Teacher I.
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng Expanded Career Progression Program ay nabigyan ng pagkakataon ang libu-libong mga guro at school heads na umangat sa kanilang posisyon at makatanggap ng mas mataas na benepisyo.
Dagdag pa ng Pangulo, ang paglikha ng mahigit 30,000 bagong teaching positions ay makatutulong upang madagdagan ang bilang ng mga guro at mapabuti ang kalidad ng pagtuturo sa mga paaralan.
Umaasa ang administrasyon na sa pamamagitan ng mga programang ito ay mas mapapalakas ang hanay ng mga guro at mas mapabubuti ang serbisyong pang-edukasyon para sa mga mag-aaral sa buong bansa.
Patuloy namang isinusulong ng pamahalaan ang iba’t ibang reporma sa sektor ng edukasyon bilang bahagi ng layunin nitong makapagbigay ng dekalidad at mas accessible na pag-aaral para sa mga Pilipino.










