--Ads--

Tiniyak ng Isabela Public Safety Office ang mahigpit na seguridad at koordinasyon para sa isasagawang Stage 5 ng MPTC Tour of Luzon 2026 sa Mayo 3, 2026.

Dadaan ang mga siklista sa mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, San Manuel, Roxas, Quezon, at Santa Maria sa Isabela bago tumuloy patungong Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Kim Agbayani, Public Safety Officer ng lalawigan, nakipag-ugnayan na ang mga organizer sa kanilang tanggapan upang pangunahan ang Safety and Security Team at matiyak ang maayos na daloy ng kompetisyon.

Katuwang sa paghahanda ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Isabela Police Provincial Office (IPPO), at mga lokal na istasyon ng pulisya sa mga apektadong bayan.

--Ads--

Nagbigay rin ng paalala ang opisyal sa mga magsasaka na huwag munang magbilad ng ani sa gilid o ibabaw ng mga kalsadang daraanan ng karera upang maiwasan ang anumang aksidente.

Nanawagan din siya sa mga may alagang hayop, partikular ang mga aso, na tiyaking nakatali ang mga ito sa oras ng event.

Tinukoy ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, at Roxas bilang mga critical areas dahil sa dami ng intersections sa kahabaan ng pangunahing highway, kaya’t ito ang magiging sentro ng mas mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga siklista at maayos na pagdaraos ng kompetisyon.