Dinepensahan ng Malacañang ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y anomalya sa pagpapatayo at pagpopondo ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa New Clark City.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mandato ng NBI na magsagawa ng imbestigasyon kung may naririnig o nalalamang iregularidad, at hindi na ito kailangang iutos pa ng Pangulo.
Giit ni Castro, tungkulin ni NBI Director Melvin Matibag na kumilos at magsiyasat kapag may natanggap na impormasyon, hindi para manira o madiskaril ng sinuman. Wala rin aniya itong binanggit na partikular na tao na iniimbestigahan, maliban nang itanong ng isang reporter ang pangalan at nabanggit ito sa usapan.
Dagdag pa ni Castro, walang dapat ikatakot ang sinumang tiyak na walang ginawang mali dahil matagal nang isyu ang 2019 SEA Games. Hindi rin umano kuwestyunable ang timing ng imbestigasyon kahit nagkaroon ng banggaan sa pagitan nina Matibag at Sen. Alan Cayetano.
Hunyo 15 pa raw nagkaroon ng pagpupulong si Matibag sa New Clark City para sa planong NBI Academy, at dito na may nagsumbong sa kanya hinggil sa naturang anomalya.
Si Cayetano, na noon ay House Speaker, ang chairman ng organizing committee ng 2019 SEA Games.











