--Ads--

Suportado ng Malacañang ang plano ng House of Representatives na gawing mas simple ang pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.

Ito ay kasunod ng plano ng Kamara na alisin ang tradisyunal na red carpet para sa mga bisita, na karaniwang nagsisilbing entablado para sa pagpapakita ng mga magagarbong kasuotan ng mga dumadalo sa taunang pagtitipon.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mas nais ng Pangulo na maging sentro ng SONA ang kanyang ulat at mensahe para sa sambayanang Pilipino kaysa sa anumang karangyaan ng okasyon.

Sinabi ni Castro na patuloy na ipinatutupad ng administrasyon ang mga hakbang sa pagtitipid o austerity measures kaya hindi na kinakailangan ang mga magastos na preparasyon para sa naturang pagtitipon.

--Ads--

“Iyon naman talaga ang gusto ng Pangulo, idadaos lang siya. Mayroong austerity measures kaming sinusunod para makatipid,” ani Castro.

Matatandaang naging bahagi na ng mga nakaraang SONA ng iba’t ibang Pangulo ang paglalatag ng red carpet sa Batasang Pambansa, kung saan tampok ang mga elegante at mamahaling kasuotan ng mga panauhin bago magsimula ang talumpati ng Punong Ehekutibo.