Walang ideya umano ang Malacañang sa nilalaman ng naging pag-uusap nina Chinese Ambassador Jing Quan at First Lady Liza Marcos sa isang public event.
Ayon sa Palace Press Officer USec. Claire Castro sinabi nito na hindi ibinahagi ng First Lady sa Presidential Communications Office (PCO) kung ano ang tinalakay nila ng Chinese envoy, matapos ibahagi ng diplomat sa kanyang social media na nagkaroon sila ng “pleasant conversation.”
Binigyang-diin din ni USec. Castro na ang pagdalo ni First Lady Marcos sa mga public consular events ay hindi nangangahulugang bahagi ito ng opisyal na polisiya o diplomatikong tindig ng administrasyon. Ayon sa kanya, ang presensya ng First Lady sa ganitong aktibidad ay bahagi lamang ng protocol at representasyon sa mga opisyal na pagtitipon.
Dagdag pa ni Castro, malinaw sa China ang layunin ng pamahalaan na isulong ang diplomasya at maayos na pag-uusap upang maresolba ang anumang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.
Paliwanag niya, hindi na kinakailangan pang palalain ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon sa mga eksperto sa diplomasiya, ang mga informal o “pleasant” na pag-uusap sa ganitong mga kaganapan ay karaniwang hindi itinuturing na opisyal na patakaran. Gayunpaman, pinapakita nito ang interes ng pamahalaan na mapanatili ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng dalawang bansa.











