--Ads--

Hindi makakapaglaro sa Palarong Pambansa ang isang atleta mula sa Lungsod ng Cauayan matapos hindi makapasa sa itinakdang qualifying time standard sa larong swimming.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sports Coordinator Norman Tolentino ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City, kinumpirma niya na sa dalawang atletang nakakuha ng gintong medalya sa swimming, isa ang hindi makakasama sa pambansang kompetisyon.

Ayon kay Tolentino, bagamat nagwagi ng ginto ang naturang atleta, hindi nito naabot ang qualifying time na requirement upang makasali sa Palarong Pambansa.

Iginiit niya na ito ay mahigpit na patakaran sa swimming event na kailangang sundin ng lahat ng kalahok, at hindi lamang ito isyu sa Cauayan kundi maging sa iba pang Schools Division Offices.

--Ads--

Samantala, sinabi rin ni Tolentino na nakatakdang magsimula ang intensive dry training ng mga atletang Cauayanos mula Mayo 1 hanggang Mayo 15 bilang paghahanda sa Palarong Pambansa.

Aniya, mula Mayo 1 hanggang 10 ay isasagawa ang training sa kani-kanilang SDO, habang mula Mayo 10 hanggang 15 ay lalahok ang mga atleta sa regional intensive training na gaganapin sa Santiago City.

Dagdag pa niya, plano ring maagang bumiyahe ang mga atleta patungong Agusan upang makapag-adjust sa kapaligiran at mas mapaghandaan ang kompetisyon.

Tiniyak naman ng SDO Cauayan City na patuloy ang kanilang suporta sa mga atleta upang masigurong maayos ang kanilang preparasyon para sa nalalapit na Palarong Pambansa.