Dumulog ang isang magsasaka sa Barangay Carulay, Echague matapos umano siyang hindi mapasama sa listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda sa kabila ng paulit-ulit na pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Evelyn Mamuri, magsasaka ng nasabing barangay, sinabi niya na ilang beses na siyang nag-submit ng requirements at nagpa-validate sa barangay at sa Department of Agriculture (DA), ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang natatanggap na tulong.
Ayon kay Mamuri, nakapagtataka umano na ang ilan sa kanyang mga kapitbahay ay nakatanggap ng ayuda samantalang siya ay wala sa listahan kahit pareho lamang silang magsasaka ng mais at matagal nang nagtatanim.
Dagdag pa niya, kahit rehistrado sila sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), hindi pa rin sila nabigyan ng kahit binhi o anumang tulong mula sa pamahalaan.
Ikinadismaya rin ni Mamuri na hindi sila naisama sa interview process na isa umanong batayan upang makatanggap ng ayuda, dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan na ginamit sa naturang proseso.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Venerando Mangantulao, iginiit nito na hindi nagkulang ang barangay sa pagsusumite ng listahan ng mga magsasaka sa DA at iba pang ahensya.
Ayon kay Mangantulao, lahat ng pangalan ng mga apektadong magsasaka ay kanilang ipinasa, subalit limitado umano ang bilang ng mga benepisyaryong inaaprubahan ng mga ahensya gaya ng DA, DSWD, at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Dagdag pa niya, ang proseso ng validation ay isinasagawa sa antas ng rehiyon, kaya’t wala na umanong kontrol ang barangay kung sino ang tuluyang mapapasama sa listahan ng makatatanggap ng ayuda.
Ipinaliwanag din ng punong barangay na may mga pagkakataon na kahit naisumite ang pangalan ng isang magsasaka ay maaari pa rin itong ma-deny depende sa evaluation ng ahensya.
Sa panig naman ng kagawad na si Ruel Cadauan, sinabi nito na naisumite niya ang pangalan ni Mamuri kasama ng iba pang magsasaka, subalit dalawa lamang umano ang hindi lumabas sa final listahan matapos ang validation.
Giit niya, hindi siya nagkulang sa pagsusumite ng listahan sa DA at PCIC, at hindi na niya hawak ang naging resulta ng evaluation. Idinagdag pa niya na ang sakahan ni Mamuri ay nasa malayong lugar kaya’t hindi niya personal na na-validate, bagamat may mga larawang isinumite bilang patunay.
Hinimok din niya ang mga nagrereklamong magsasaka na dumulog muna sa tanggapan ng barangay upang agad na matugunan at maiakyat ang kanilang concerns sa kinauukulang ahensya.
Samantala, sa pakikipag-panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Faustino “Inno” Dy V ng Echague, Isabela, tiniyak nito na patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga ahensya ng nasyonal na gobyerno upang mas maraming magsasaka ang matulungan.
Ayon sa alkalde, lahat ng mga corn farmers na naapektuhan ng tagtuyot ay kanilang isinusumite sa Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development, ngunit dumadaan pa rin ang mga ito sa masusing validation process. Ipinaliwanag nito na may umiiral na patakaran ang DSWD kung saan isang benepisyaryo lamang kada pamilya ang maaaring makatanggap, at may mga pagkakataon na hindi nakakapasa ang ilan dahil sa mga kwalipikasyon ng programa.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 2,630 magsasaka ang naipasa na listahan ng lokal na pamahalaan, subalit hindi pa matiyak kung ilan sa mga ito ang tuluyang makatatanggap ng ayuda habang hinihintay pa ang pinal na beripikasyon mula sa ahensya.
Patuloy naman ang panawagan ng mga apektadong magsasaka na mabigyan sila ng kaukulang tulong upang makabili ng binhi at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.











